Pulis patay sa pamamaril sa Tacloban

Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2020 07:49 PM

Pickup truck ni Police Chief MSgt. Renato Singcol na nasawi sa pamamaril sa Tacloban City nitong Biyernes, Jan. 24, 2019. Geron Ponferrada, ABS-CBN News

TACLOBAN - Isang pulis ang patay matapos siya paulanan ng bala habang pasakay sa kaniyang sasakyan sa Congressman Mate Avenue, Barangay Abucay sa lungsod na ito Biyernes.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pasakay sa kaniyang pickup truck si Police Chief MSgt. Renato Singcol matapos manggaling sa opisina ng Philippine Statistics Authority sa lugar.

Bigla na lamang umano lumitaw ang ilang di pa kilalang armadong lalaki sakay ng isang itim na SUV at pinagbabaril ang pulis.

Nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan at sa ulo si Singcol na sanhi ng kaniyang agarang pagkamatay.

Ayon sa ilang residente, hindi sila nakaramdam na nagkaroon na pala ng barilan sa kanilang lugar dahil maulan umano nang mangyari ang pamamaril.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa motibo ng pagpaslang sa pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.