Paano gawing 'child-friendly' ang mga evacuation center?

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2020 06:11 PM

MAYNILA — Bukod sa perwisyo sa kabuhayan, isa sa mga labis na apektado ng Taal Volcano eruption ay mga kabataan na sa ngayon ay hindi na muna nakakapasok sa eskuwela. 

Sa taya ng grupong Save The Children-Philippines, aabot sa 120,000 bata ang na-displace dahil sa pag-aalboroto ng Taal. Ang mga ito ay nakatengga sa evacuation centers o sa mga kaanak na nasa mas ligtas na lugar. 

Ayon kay Jerome Balinton, humanitarian manager ng Save The Children-Philippines, mahalaga ngayon na bigyan ng normalidad ang pamumuhay ng mga bata. 

Kaya naman isinusulong ng organisasyon ang paglalagay sa evacuation centers ng child-friendly spaces o mga lugar na angkop sa mga bata. 

Pinakiusapan din ng Save The Children ang Department of Education na magawan ng paraan na maibalik na sa eskuwela ang mga bata. 

Isa ang batang si Princess Mortel sa mga sabik nang mag-aral muli matapos ang mahabang pamamalagi sa evacuation center. 

"Gusto ko na bumalik ng school... Para po lalong tumalino," aniya. 

Bukod naman sa Save The Children, may mga ipinadala ring grupo ang Bantay Bata 163 para magsagawa ng psychosocial first aid sa mga bata. 

—Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.