Banta ng 2019-nCoV 'public health emergency' na para sa DOH

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2020 08:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hindi pa itinuturing ng World Health Organization (WHO) na public health emergency of international concern (PHEIC) ang 2019 novel coronavirus (2019-nCoV) mula sa Wuhan, China sa kabila ng pagkalat nito sa iba't ibang panig ng daigdig.

"I am not declaring a public health emergency of international concern today. Make no mistake. This is an emergency in China, but it has not yet become a global health emergency. It may yet become one," sabi ni WHO director general Tedros Adhnanom Ghebreyesus sa isang press conference sa Geneva, Switzerland.

Pero para sa Department of Health (DOH), itinuturing na nila ito bilang public health emergency, kahit wala pang kumpirmadong kaso nito sa Pilipinas.

"We are treating it as a public health emergency. Ang WHO, tingin nila, inevitable na kumalat ito all over the world. We want to make sure that if it does get here, that we are able to contain it, isolate it. We are on alert," ani DOH spokesperson Eric Domingo.

Patuloy pa ring hinihintay ang resulta ng confirmatory test sa 2019-nCoV ng 5 anyos na bata sa Cebu. Siya ang nag-iisang itinuturing ng DOH na person under investigation (PUI) sa sakit.

PAYO NG MGA OPISYAL

Paglilinaw ni Domingo, hindi dapat isipin ng publiko na porke't nakararanas ng trangkaso ay ito’y 2019-nCoV.

Flu season daw kasi ang Enero at Pebrero kaya di maiiwasang makaranas nito.
    
Ang dapat lang talagang sumailalim sa mas masusing konsultasyon ay 'yung mga may travel history sa China. Kaya may payo ang DOH sa mga Pinoy na mahilig bumiyahe.
    
"If unnecessary 'yung travel to China, then it might be prudent to delay the flight until the disease is more clearly understood and that it is completely contained," sabi ni Domingo.

PATAKARAN SA AIRPORTS

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa mga paliparan, mahigpit ring ipinagbabawal ang pagpunta sa quarantine area kung hindi kawani ng ahensiya.

Puro naka-face mask na rin ang mga pasahero na dumarating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Bago makalabas sa terminal ang mga pasahero, pinagpi-fill out sila ng health declaration card para mas madali silang ma-trace sakaling may magpakita ng sintomas ng 2019-nCoV.

Kasama sa isusulat sa form ang address at ang mga nabisitang bansa sa huling 30 araw. Kokolektahin ito ng Bureau of Quarantine.

Pero bukod dito, nagpayo ang Civil Aeronautics Board (CAB) na huwag makipagpalitan ng upuan sa eroplano.

"Kapag may nag-positive later on, mate-trace 'yung mga kalapit. Four seats behind, in front, and on the side, they need to be screened.... Kaya nga ang advice namin sa airline be strict about passengers transferring especially when there is an outbreak of communicable disease. So we could not be misled with the identity of the person," ani CAP executive director Carmelo Arcilla III.

Sa ngayon, kinansela na ang biyahe ng mga eroplano mula Wuhan, China papuntang Kalibo International Airport sa Aklan.

Ang Wuhan City ang itinuturing na epicenter ng 2019-nCov.

Nitong Biyernes, pumalo na sa higit 800 ang tinamaan ng virus sa buong mundo, at 25 na ang namatay dahil dito.

—Ulat nina Raphael Bosano, Jacque Manabat, at Cherry Palma, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.