Mga 'nagpalusot' sa shabu sa magnetic lifters, kinasuhan

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2019 06:21 PM

Pormal nang sinampahan ng kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga dating opisyal ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nasangkot sa pagpuslit ng ilegal na droga sa magnetic lifters noong nakaraang taon. 

Patong-patong na kasong kriminal at administratibo ang haharapin nina dating Customs chief at ngayo'y Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) chief Isidro Lapeña, dating Customs intelligence officer Jimmy Guban, at mahigit 50 iba pa dahil sa umano'y paglusot ng mga droga sa ilalim ng kanilang pamumuno.

Isinampa ng NBI ang mga kasong dereliction of duty, grave misconduct, at paglabag sa Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa higit 50 tao.

KATIWALIAN

Para sa bagong hepe ng BOC, nag-ugat ang lahat ng kaso dahil sa katiwalian ng ilan.

"Nagka-issue on drugs dahil sa graft and corruption... Significantly, na-reduce natin 'yung sistema ng 'tara' although meron pa rin pero confident ako na maaayos natin... Hindi ganu'n kadali palitan lahat," paliwanag ni BOC Commissioner Rey Guerrero, na itinalaga noon lamang Oktubre. 

Ngayong 2019, ikakalat sa iba't ibang seaport at airports ang nasa 50 bago at mas hi-tech na x-ray machines.

"When we talk of security, we talk about layers of protection. X-ray is the last layer. Dapat bago pa makarating, nasasabat na natin 'yan... Lahat naman vulnerable eh," ani Guerrero. 

Plano din ng Customs na bumili ng karagdagang K-9 dogs at mag-deploy ng higit 1,000 miyembro ng Philippine National Police para magbantay sa lahat ng ports ng bansa. —Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.