Magkapatid na 'tulak' ng droga, 10 iba pa, timbog sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2019 04:53 PM | Updated as of Jan 24 2019 07:24 PM

Naaresto sa Bacoor, Cavite ang magkapatid na umano ay nagtutulak ng ilegal na droga at 10 nilang parokyano, sabi ngayong Huwebes ng pulisya.

Naunang sinalakay ng Bacoor police noong Linggo ang isang lugar sa Barangay Zapote Uno para hulihin ang umano ay tulak na si Jake Villalon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero nang ikasa ang operasyon, wala si Jake. Sa halip, naaresto ang kaniyang nakababatang kapatid na si Jimbo matapos maaktuhang gumagamit ng droga kasama ang 10 iba pa.

Dalawang araw makalipas ang operasyon, nahuli naman ng mga barangay tanod si Jake matapos itong manutok ng improvised na baril nang malasing ito.

Nakuhanan din si Jake ng P100,000 halaga ng droga.

Matagal na raw binabantayan ng mga pulis ang magkapatid, na mula sa pagiging drug users ay naging mga tulak, ani Superintendent Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police.

Tukso at hirap ng buhay ang idinahilan ng magkapatid kaya pumasok sa pagbebenta ng droga pero nagsisisi na raw sila at handa raw silang magbago.

Nakulong ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Kinasuhan din si Jake ng grave threat at paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

--Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.