'Illegal recruiter' na nambibiktima sa FB, timbog

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2019 07:21 PM | Updated as of Jan 24 2019 09:20 PM

Isang babae ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa kaniyang pambibiktima sa Facebook ng mga nais mag-domestic helper sa ibang bansa. 

Inaresto ang suspek na si Ilene Gerawa sa kalagitnaan ng kaniyang pulong sa loob ng isang fast food restaurant kasama ang mga aplikante na kaniyang bibiktimahin. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Kukuhanin sana ni Gerawa ang mga pasaporte ng biktima pero doon na siya inaresto ng NBI Special Action Unit. 

Lumalabas kasi na wala pala siyang lisensiya sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para mag-recruit ng mga domestic helper.

Sa Facebook nakita ng mga biktima ang alok ni Gerawa na "direct hiring" sa Dubai na may sahod na $400. Mabilisan daw ang pagproseso na aabutin lang ng isa hanggang dalawang buwan. 

Wala rin daw silang babayaran dahil kakaltasan ang kanilang sahod. 

Ngunit agad naghinala ang mga aplikante nang sabihan ni Gerawa na tourist visa lang ang kanilang gagamitin.

"Nakakalungkot dahil napakaraming illegal recruiter, lagi na lang ako natatapat sa ilegal," hinaing ng biktimang si alyas "Marichu."

Abiso ng NBI, huwag maniwala sa mga pangako ng mabilisang online recruitment lalo na kung ang trabaho ay diretso agad sa employer at walang tumatayong agency. Bukod sa ilegal, delikado rin umano ito.

"Paano kung kunwaring maaksidente sila, o maabuso ng employer, paano sila matutulungan ng gobyerno?" ayon kay NBI Special Action Unit chief Atty. Emeterio Dongallo. 

Kulong si Gerawa sa kasong large scale illegal recruitment. 

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.