ALAMIN: Mga rekisito para makakuha ng lisensiya ang isang kontraktor

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2019 02:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tuwing magpapatayo ng estruktura gaya ng bahay o gusali ay kumukuha ang tao ng kontractor, na siyang aasikaso sa mga tauhan, materyales, equipment, at iba pang kailangan para sa proyekto. 

Pero ayon kay Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) executive director Herbert Matienzo, kailangan na ang kontraktor ay lisensiyado para matiyak ang kalidad ng trabaho. 

"Sabi ng ating batas bago ka mangontrata eh dapat may lisensiya iyan," ani Matienzo. 

Alinsunod ito sa Republic Act 4566 o "Contractors' License Law." 

Bago kumuha ng lisensiya ay dapat rehistrado ang negosyo ng kontractor sa Department of Trade and Industry.

Kailangan ding miyembro ng Social Security System (SSS), Pag-IBIG, at PhilHealth ang kontractor. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Dapat ding may minimum na P100,000 net worth ang itinatayong contracting business. 

Nanawagan naman si Matienzo sa mga pribadong kontraktor na kinakailangan pa rin nilang kumuha ng lisensiya. 

“Ang tingin kasi ng publiko na kailangan lang [ng lisensya] ay pampublikong mga proyekto. whether public o private po ang projects kailangan po ng license,” aniya. 

Ang mga kontraktor na walang lisensya ay mapapatawan ng multa. Maaari namang mabawi o masuspinde ang lisensiya ng lalabag sa batas. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.