Bahagi ng Mt. Pulag, ipasasara muna ng 6 na buwan

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2018 06:53 PM

Ipasasara ng anim na buwan ang Akiki Trail sa Mount Pulag para isailalim sa rehabilitasyon matapos masunog noong Sabado.

Halos abo na lang kasi ang natira sa mga damo sa bahagi ng trail nang masunog sanhi ng pagliyab ng kalan ng isa sa mga hiker.

Plano ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na irekomendang magdala ng fire extinguisher ang mga hiker o di kaya'y higpitan ang regulasyon sa bundok.
    
"Iyong campers will bring along with them at least 5 pounds of fire extinguisher [in case may sunog]," ani DENR-Cordillera Administrative Region Director Ralph Pablo.

Labis na ikinalungkot ng mga hiker at environmentalist ang nangyari sa Mt. Pulag na itinuturing na "playground of the gods."
    
Sang-ayon din sila na ipasara muna ang Akiki trail.

"'Yung mga umaakyat, napaka-irresponsible na. Sana maging strict ang management ng Mt. Pulag. Ma-regulate 'yung umaakyat sa bundok. Sirang-sira na, sayang. Pag nakita niyo ang Mt. Pulag noon sa ngayon malulungkot talaga kayo," ani Cez Zulueta, climb coordinator at environmental advocate. 
    
"It's time ng Mt. Pulag na mag-rest kasi over-saturated na diyan. Kailangan mag-rest ng Mt. Pulag," giit naman ni JM Miguel, climb organizer. 

Suhestiyon nila, ibalik ang basic mountain course (BMC) bago umakyat sa Mt. Pulag o ano mang bundok sa Benguet.

"Sa hiking community, kailangan magkaroon ng coordination sa local guides natin, kung anong mga dalang gamit para alam natin kung ano gagawin sa bundok," ani Miguel.

Anila, makabubuti ring limitahan muna ang hiker sa lugar.
    
Sa ngayon, pinapayagan lang munang dumaan ang mga trekker sa Peak 2-4, Tower at Grassland via Babadak trail o Ambangag route.
    
--Ulat ni Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.