Nawawalang French national sa Mt. Province, natagpuan na

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2020 12:04 PM | Updated as of Jan 23 2020 01:42 PM

Na-rescue ang isang 70-anyos na banyaga matapos ang pitong araw na mawala sa kagubatan ng Barlig sa Mt. Province. Larawan mula sa Barlig Municipal Police Station

Natagpuan na ang 70-anyos na French national na may 7 araw na napaulat na nawawala sa bayan ng Barlig sa Mt. Province.

Nanghihina na nang makita si Jacques Francioly sa ibaba ng bangin sa Sitio Sikling sa Barangay Latang, Miyerkoles.

Enero 21 nang ipagbigay-alam ng manager ng tinutuluyang inn ng banyaga na nawawala ito.

Base sa ulat ng mga pulis, Enero 14, 2020 nang magpaalam ang banyaga na mamamasyal sa bayan.

Bago nawala, may kumausap daw sa kaniyang tourist guide at tinanong kung magha-hiking para masamahan siya nito.

Pero hindi raw siya magha-hiking dahil plano niyang magtungo sa bayan ng Natonin.

Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital si Jacques.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.