Lalaking wanted sa pagpatay timbog matapos matampok sa 'SOCO'

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2020 04:37 PM

MAYNILA — Arestado ang itinuturing na ika-2 most wanted person sa Maynila dahil sa kasong pagpatay, ilang araw matapos itampok sa programang "SOCO: Scene of The Crime Operatives" ang krimen nito. 

Tatakas pa sanang muli ang 26-anyos na si Jay-Ar Concepcion nang abutan ng Manila Police District (MPD) noong Martes ng gabi sa bahay ng kaanak nito sa barangay Bayan-Bayanan, Malabon.

Nagtago si Concepcion matapos ang nagawa niyang karumaldumal na krimen sa Tondo kung saan napatay niya ang kaibigang si Len Mark Hermosa habang nasa lamay sila.

Hulyo 2019 nang barilin ni Concepcion si Hermosa dahil sa umano'y pikunan. 

"Matagal na daw silang may alitan. Mula pagkabata magkaibigan na daw sila. Dumami nang dumami 'yung alitan nila hanggang naipon na 'yung sama ng loob. 'Yung last, nagtalo sa sugal," sabi ni Police Capt. Jervies Soriano ng MPD.

Depensa naman ni Concepcion, dumepensa lamang siya kaya niya nabaril ang kaibigan. 

"Pinagtanggol ko lang sarili ko kaysa ako mamamatay. Inunahan ko lang. May baril din 'yun di lang kita sa video," anang suspek.

Nakatakdang harapin ni Concepcion ang kasong isinampa sa kaniya ng pamilya ni Hermosa. 

—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.