'Ginhawa, pangakong kapalit ng trapiko mula sa transpo projects'

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 08:06 PM

Namumuo ang trapiko sa gitna ng konstruksiyon ng Skyway project na aabot mula Buendia hanggang Balintawak. Mark Demayo, ABS-CBN News

Sa kasagsagan ng trapikong idinulot ng konstruksiyon ng mga infrastructure projects sa ilalim ng "Build, Build, Build" program ay tiniyak ng mga awtoridad na ginhawa ang sasalubong sa kanila sa pagtatapos ng mga naturang proyekto. 

Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar, inaasahang matatanggal ang libo-libong mga sasakyan mula sa kahabaan ng EDSA sa pagtatapos ng proyekto. 

Kaya raw tanggalin ng inaayos na subway ang 50,000 sasakyan mula sa naturang kalsada, habang kaya naman ng mga ginagawang tulay sa Maynila ang nasa 100,000 sasakyan, aniya. 

"I want to reassure the public na meron naman kami matatapos habang ginagawa 'yung ibang project... Siguro may kaunting inconvenience, 'yung kapalit ng short term inconvenience ay long term ginhawa," aniya. 

Dahil kasi sa mga proyekto, nadagdagan pa ng 45 minuto o higit pa ang biyahe ng mga motorista o commuter. 

Kabilang dito ang labanderang si Linda Caravalle na aabot sa apat na oras ang biyahe mula Antipolo sa Rizal Province hanggang Katipunan - mas matagal kung ikukumpara sa biyahe na wala pang isang oras noong hindi pa umano nagsisimula ang konstruksiyon. 

Nasa dalawang lane kasi ang kinain ng LRT-2 extension project na layong palawigin ang riles ng naturang tren mula Marikina hanggang Antipolo. Nagdulot ang proyekto ng matinding trapiko. 

Dahil sa oras na ginugugol sa trapiko, minsan ay hindi na niya naaabutang gising ang kaniyang mga kaanak. "Minsan aabot kami ng apat na oras, hirap talaga sumakay," aniya.

Bukod sa LRT-2 extension, nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko ang pagsasara ng isa hanggang dalawang lane sa Quezon City dahil sa konstruksiyon ng bagong MRT-7. 

Dadaloy ang naturang linya mula Quezon City hanggang Novaliches at matatapos ang proyekto sa 2020. 

Inaasahan ding magdulot ng pagsikip ng daloy ng trapiko ang paggawa sa subway mula Quirino hanggang North Avenue na layong tapusin sa 2022. 

Gayundin ang itatagal ng kasisimula lamang na konstruksiyon ng common station na magdudugtong sa MRT-3, MRT-7, at LRT-1 sa kanto ng North Avenue at EDSA, maging ng Skyway Stage 3 project na dadaloy mula Buendia hanggang Balintawak.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) spokesperson Celine Pialago, nag-deploy na sila ng mga dagdag na enforcer mara masolusyonan ang problema sa trapiko. 

Pero ipinayo niya sa mga pasahero na i-adjust ang oras ng pagko-commute lalo na at hindi maiiwasan ang matinding trapiko sa mga lugar na may konstruksiyon. 

"Ang nangyari po sa atin nauna 'yung pagdami ng sasakyan sa pagdami ng kalsada so naghahabol po tayo habang patuloy na dumadami ang sasakyan... Nandito na 'to, all we have to do is to adjust our own schedules,” ani Pialago. 

Ayon sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency noong 2018, nasa P3.5 bilyon ang nagagasta sa tindi ng daloy ng trapiko sa Kamaynilaan. 

Kung walang magiging aksiyon pagdating sa 2035, P5.4 bilyon na ang masasayang sa trapiko. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.