Extended hours ng MRT, LRT isinusulong

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 08:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Anonas, Quezon City nagtatrabaho ang call center agent na si Leonah Magalona.

Tatlo ang sinasakyan ni Magalona papasok sa Anonas mula Litex sa may Commonwealth: FX hanggang North Avenue, MRT-3 hanggang Cubao station, at LRT-2 hanggang Anonas station.

Pero dahil gabi ang pasok, hindi siya umaabot minsan sa MRT at LRT kaya ang bagsak niya ay sumakay ng jeep o bus.

Kuwento ni Magalona, may mga pagkakataong delikado ang pag-commute sa gabi.

"May time ko na na-experience na limang tao sila sa loob ng bus, may tina-try silang holdap-in ng cellphone. So kahit ako, ayoko na sanang mag-jeep o bus," aniya.

Hindi nag-iisa sa Magalona sa ganoong sitwasyon lalo at maraming empleyado na gabi ang pasok.

Isinusulong ng House Committee on Metro Manila Development na palawigin ang operating hours ng MRT at LRT hanggang hatinggabi.

Sa ngayon kasi, hanggang alas-10 lang ng gabi ang MRT at alas-10:15 ng gabi ang LRT.

Bukas ang Department of Transportation (DOTr) sa panukala pero ipinaliwanag din nilang mahihirapan itong ipatupad agad sa MRT-3 dahil umano sa rehabilitasyon ng linya.

"'Yong riles ng tren natin ay papalitan lahat, so 17 kilometers. Imagine, puwede lang po kaming magpalit sa gabi," ani Transportation Undersecretary Timothy John Batan.

"Kung hahabaan pa po natin 'yong oras ng pagtakbo ng MRT-3 ay baka lalong mas matagalan iyong 26 months nating rehabilitation," dagdag niya.

Pag-aaralan din ng DOTr kung puwede na ito sa LRT-1 at LRT-2, ani Batan, dahil nakadepende rin ang operating hours sa dami ng mga pasahero.

Sinubukan na raw noong 2016 na palawigin hanggang alas-11 ng gabi ang operating hours ng LRT-2, ani Batan.

"Hindi masyadong marami iyong itinaas na ridership," ani Batan ukol sa subok sa LRT-2.

Desidido ang House panel na gamitin ang kapangyarihan ng Kamara para isulong ang panukalang pagpapalawig ng operating hours ng MRT at LRT.--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.