ER ng isang ospital sa Maynila, isinara dahil sa kaso ng umano'y 'meningococcemia'

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 05:52 AM | Updated as of Jan 23 2019 10:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Pansamantalang isinara sa publiko ang emergency room ng Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) sa Maynila matapos magkaroon ng pasyenteng hinihinalang may meningococcemia.

Kumalat kamaikalan sa social media ang larawan ng umano'y meningococcemia infection.

Kinumpirma ito ng pamunuan ng hospital na may na-admit na babaeng pasyente na 55 anyos.

May 3 hanggang 5 araw na ang lagnat ng pasyente at may pantal na kulay lila.

"Suspetsya pa lang naman po 'yun. Kaya lang siyempre para maiwasan natin, baka mamaya may mahawa, kaya isinara natin," ani Dr. Rolan Mendiola, senior house officer ng GABMMC.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasalukuyang nasa isolation room ang pasyente. Ilang araw pa ang hihintayin para sa resulta ng laboratory tests at blood culture para masiguro kung meningococcemia ang dumapo rito.

Hangga't wala pang resulta, mananatiling nakasara ang emergency room na dadaan pa sa disinfection. Binigyan na rin ng antibiotics at prophylaxis ang mga pasyenteng na-expose, maging ang mga staff ng ospital.

"Sa ngayon, wala po tayong dapat ikatakot. Wala namang mga direct contact sa mga pasyente t'saka relatives," dagdag ni Mendiola.

Mga sintomas ng meningococcemia ay violet rashes, lagnat, pananakit ng ulo, at pagsusuka.

Ayon sa mga eskperto, maaaring makuha ang meningococcemia sa secretion o droplets, tulad ng pagbahing, pag-ubo, laway, o dugo ng taong kinapitan nito.

Payo ng mga doktor na ugaliing maghugas ng kamay at takpan ang bibig tuwing uubo o babahing.

Mananatili namang bukas ang ibang clinic sa GABMMC kahit nakasara ang emergency room. Para sa emergency at surgical cases, maaari munang pumunta sa malalapit na ospital ang mga taga-Tondo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.