Barangay tanod arestado sa panunutok, pagpapaputok ng baril sa Pampanga

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 08:11 PM

SAN SIMON, Pampanga - Arestado ang isang tanod sa Barangay Concepcion sa bayang ito matapos manutok at paputukan ng baril ang tatlong kabarangay Miyerkoles.

Kuwento ng tatlong biktima, lasing umano si Fernando Dela Cruz at pilit na pinapa-amin ang mga ito na sangkot sila sa ilegal na droga.

Menor de edad ang isa sa mga biktima.

Hinamon nila ang suspek na ipa-drug test sila upang makumpirma ang mga paratang laban sa kanila, pero bigla na lamang daw silang pinagsusuntok ng suspek, pinagbantaan na papatayin at pinaputukan pa ng baril.

Agad na nagsumbong ang mga biktima sa San Simon Police. Sa follow-up operation Miyerkoles ng tanghali, nahuli ang suspek na chief tanod sa nasabing barangay.

Base sa impormasyon, marami na umanong reklamo laban kay Dela Cruz lalo na tuwing ito’y nalalasing.

Patong-patong na kaso ang haharapin ng suspek tulad ng grave threat, alarm and scandal, at paglabag sa Republic Act 7610, Republic Act 10591 at Omnibus Election Code (Gun Ban).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.