3 batang babae nalunod sa palaisdaan

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 07:04 PM | Updated as of Jan 23 2019 07:15 PM

Tatlong batang babae nalunod sa isang palaisdaan sa Barangay Macabling, Sta. Rosa City, Laguna nitong Miyerkoles. 

Hindi malaman ni alyas "Weng" kung papaano haharapin ang mga susunod na araw matapos mapabilang sa nasawi ang kaniyang 11 anyos na bunsong anak na si alyas "Monika." 

"Mahal na mahal ko 'yan kahit matigas ang ulo niyan," anang ginang. 

Bukod kay Monika, patay din ang mga kaibigan niyang sina Cindy, 10, at Anne, 11.

Sa imbestigasyon, anim na bata ang magkakasamang nagpunta sa fishpond at apat sa kanila ang naligo.

Ayon sa isang saksi, nagsimulang malunod ang batang si alyas "Miriam" nang pumunta sa malalim na bahagi kaya sumaklolo ang iba.

Nakaligtas si Miriam pero hindi ang mga sumaklolo sa kaniya.

May lalim na 10 talampakan ang palaisdaan na nasa isang pribadong lugar.

Wala namang sinisisi ang pamilya ng mga nalunod na bata.

Para naman hindi na maulit ang trahedya, papalagyan na ng pamunuan ng barangay ng bakod at babala ang fishpond.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.