Babae nanganak sa patrol car sa Ilocos Norte

Denis Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2018 08:44 PM | Updated as of Jan 23 2018 09:09 PM

Ang bagong silang na si Marlon sa isang police patrol car sa Currimao, Ilocos Norte nitong Linggo. Kuha ng Currimao Police

Nanganak ang isang babae sa isang police patrol car sa bayan ng Currimao, Ilocos Norte nitong Linggo ng umaga.

Humingi ng saklolo si Regine Marcos sa police station dahil naubusan ng gasolina ang sasakyan na magdadala sana sa kaniya sa isang ospital sa Batac City.

Pag-akyat ni Marcos sa likod ng patrol car, bigla na lamang niyang naramdaman na lumalabas na ang sanggol at mismong ang kaniyang live-in partner na si Julius Alejo at mga pulis ang nagpaanak sa kaniya.

Labis ang pasasalamat ni Regine sa mga pulis, lalo na sa hepe ng pulisya na si Chief Insp. Marlon Padamada.

“Nagpapasalamat ako sa mga pulis, kay hepe, dahil kung wala sila, hindi ko na alam ang mangyayari sa akin," ani Regine.

Ayon kay Alejo, Marlon ang ipapangalan sa bata bilang pasasalamat at alaala sa tulong ni Padamada at kaniyang mga kasamahan.

Ayon sa hepe, gusto niyang maging ninong ng bata.

“Dumating nga sa akin ang balita e parang pangalan ko naman 'yung ipapangalan, 'Marlon.' Puwedeng ganun 'yung nasa isip ng mga magulang kasi syempre sa agad-agad nating pag-assist sa buntis. 'Yun nga hindi naiparating sa ospital pero healthy naman 'yung bata na lumabas," ani Padamada.

Panalangin ng maglive-in partner na lumaking mabait at may takot sa Diyos si Marlon. Dagdag nila, susuportahan nila ang magiging pangarap nito sa buhay, lalo na kung gugustuhin na maging pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.