Pagpapalikas sa mga nasa loob ng Taal danger zone puspusan na

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2020 06:31 PM | Updated as of Jan 22 2020 06:54 PM

Ipinaliliwanag ni Calabarzon police chief Gen. Vicente Danao Jr. ang plano sa pagpapalikas sa mga naninirahan sa mga lugar na sakop ng 14-kilometer danger zone ng Bulkang Taal. ABS-CBN News

Hanggang Huwebes ng madaling araw ang ibinigay ng mga awtoridad para lumikas ang mga residenteng pasok sa 14-kilometer danger zone ng Bulkang Taal, ayon sa hepe ng pulisya sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) region.

Dahil dito, puspusan na rin ang forced evacuation na isinasagawa ngayong Miyerkoles sa mga bayang sakop ng danger zone.

Dapat wala nang makitang tao sa loob ng danger zone pagpatak ng alas-5 ng madaling araw ng Huwebes, kung kailan magtatapos ang 48 oras na ibinigay sa mga residente para lisanin ang kanilang mga bayan, ayon kay Calabarzon police director Gen. Vicente Danao Jr.

Ayon kay Danao, bibigyang prayoridad ang mga nasa loob ng danger zone na gustong lumikas habang ihuhuli naman iyong mga pasaway na residenteng ayaw iwanan ang kanilang mga lugar.

Watch more in iWant or TFC.tv

"We will try our very best to convince you, kung puwedeng kaladkarin namin kayo, gagawin namin 'yan just for you to be safe," sabi ni Danao sa panayam ng ABS-CBN News.

Maging ang mga pulis na nagbabantay umano sa mga naka-lockdown na bayan ay aalis din.

Pero hindi nangangahulugan na wala nang pulis na magbabantay, ayon kay Danao. Lilipat lang daw sila sa labas ng danger zone.

"Hindi naman puwedeng magpaka-hero ka diyan. You have to remember that the rescuers are also humans, we also have our own families to protect," aniya.

Higit 2,000 pulis ang nakatalaga para magbigay ng seguridad sa mga bayan na naka-lockdown.

Nasa libo-libong pamilya mula sa mga bayang malapit sa Bulkang Taal ang lumikas simula noong Enero 12 dahil sa pag-alboroto ng bulkan.

Nakataas ang alert level 4 sa Taal, na nangangahulugang maaaring magkaroon ng isang hazardous eruption o mapanganib na pagsabog sa mga susunod na oras o araw.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.