Mga cabbage rose sa isang Benguet farm, tinamaan ng frost

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2020 12:29 AM

BENGUET—Binalot ng frost, o andap, ang mga tanim na cabbage rose Martes ng umaga sa pinapasyalang farm sa bayan ng Atok. 

Ayon sa may-ari ng bukid na si PJ Haight, lumabas lamang siya ng bahay para sana mag-spray sa mga pananim ngunit nadatnan niya na itong balot ng andap. 

Kuha ni PJ Haight

“Ba’t parang ’yung inaapakan namin, parang ice, crunchy. Frost na pala ’yun,” ani Haight.

Nalusaw ng sobrang lamig ang mga batang cabbage rose ngunit kinaya naman ito ng mga mature na pananim. 

Hindi pa nila masabi kung gaano karami at magkano ang pinsalang idinulot ng frost.

Bago nito, napansin ni Haight na sobrang lamig sa kanilang lugar bandang alas-4 ng madaling araw at pagtingin sa thermometer sa bahay, nasa 7 degrees Celsius umano ang temperatura.

Alas-5 ng umaga sa parehong araw, nakapagtala ang PAGASA ng 12.2 degrees Celsius na minimum temperature sa Baguio.

Umabot naman sa 8.9 degrees Celsius ang minimum temperature sa Mount Sto Tomas. Hindi nalalayo sa temperatura katulad sa iba pang matataas na lugar tulad ng Atok.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.