Lalaki timbog sa pagtangay ng motorsiklo ng kagawad

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2020 06:16 PM | Updated as of Jan 22 2020 07:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Timbog ang isang karnaper na mapangahas na tumangay sa motorsiklo ng kagawad sa Barangay Paltok, Quezon City.

Sa kuha ng CCTV ng barangay, kitang nakaistambay na sa isang kanto ang suspek na kinilalang si Mark Baltazar.

Maya-maya pa, ipinarada ni kagawad Cristalde Natata ang kaniyang motorsiklo, pero di pa nagtatagal ay sinakyan ito bigla ni Baltazar at humarurot palayo.

Hinabol ito ng biktima na nakatawag ng responde kaya naaresto din si Baltazar. 

"Nagulat din po ako mabuti at hinabol ko at suwerte naman na na-monitor ng mga kasama ko 'yung habulan," sabi ni Natata.

Hinala ng chairman ng Bgy. Paltok, "nakagamit" ng droga si Baltazar nang gawin ang krimen.

"Sa tingin namin ito ay sabog pa sa droga kaya ganun kalakas ang loob niya," ani Sonny Paragua, barangay chairman. 

Aminado naman ang suspek sa ginawang krimen at humingi rin siya ng tawad. 

"May problema lang po ako. Sensya na kay kagawad," sabi ni Baltazar. 

Narekober din ang tinangay na motorsiklo. 

Mahaharap si Baltazar sa kasong carnapping. —Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.