Higit 200 baboy sa Malasiqui, Pangasinan kinatay dahil sa ASF

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2020 04:50 PM | Updated as of Jan 22 2020 05:05 PM


MALASIQUI, Pangasinan — Patuloy ang pagdami ng mga lugar sa lalawigan na apektado ng African swine fever (ASF) dito sa probinsiya, at pinakahuling nadagdag dito ang 14 na barangay sa Malasiqui.

Ito ang mga sumusunod:

  • Apaya
  • Anolid
  • Mabulitec
  • Cabeldatan
  • Payar
  • Polong Sur
  • Polong Norte
  • Gomez
  • Viado
  • Banaoang
  • Binalay
  • Poblacion
  • JP Laurel
  • Don Pedro

 
Ayon sa Task Force ASF ng Pangasinan, pinakanasapul ang Barangay Apaya kung saan higit 200 baboy ang isinailalim sa culling operation o pagkatay upang maiwasan ang pagkalat ng virus. 
 
Higit 50 backyard hog raisers ang apektado ng naturang operasyon. 

"Para makontrol. Noong una daming nagalit pero kung hindi gagawin anong mangyayari?" hinaing ni Antonio Flores, chairman ng Barangay Apaya. 
 
Sa Malasiqui slaughterhouse, mahigpit din ang biosecurity measures. Dini-disinfect ang mga sasakyang pumapasok, pati mga kulungan. 
 
Mula Enero 20 ay mahigpit nang ipinagbabawal sa loob ng slaughterhouse ang pagpasok ng mga baboy na mula sa 14 na barangay na sakop ng 1-kilometer radius sa Malasiqui.

"Hindi na natin pinapapasok 'yung mga galing sa barangays na affected. Mostly mga piggery. Shipping permit, vet health permit. Lahat 'yun [kailangan]. 'Yun 'yung pasaporte nila," ani Sergio Montemayor, meat inspector ng Malasiqui.

Sa kabila ng isyu ng ASF, nanindigan ang mga opisyal ng Malasiqui na wala raw problema sa suplay nila ng baboy. 

Umaabot pa rin sa 130 na baboy kada araw ang kinakatay sa slaughterhouse at nakapako sa P200 ang kada kilo ng nito
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.