Coronavirus mula China kumalat na sa iba't ibang bansa; Pilipinas nakaalerto

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2020 07:36 PM | Updated as of Jan 22 2020 07:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Patuloy ang pagtatala ng mga bagong kaso ng 2019 novel coronavirus (2019-nCoV) na nagmula sa Wuhan, China at sa huling ulat ay 9 na ang kumpirmadong patay sa naturang sakit.

Bukod sa China, may mga kaso na rin ng 2019-nCoV sa Thailand, South Korea, Japan, Taiwan, Macau, Hong Kong, at maging sa Amerika. 

Sa Pilipinas, sinabi ng Department of Health (DOH) na may isang 5-anyos na lalaking Chinese ang inoobserbahan sa Cebu City dahil sa coronavirus, pero hindi pa tiyak kung ito ay kapareho ng virus mula China. 

"Sa ngayon bumubuti na raw ang kondisyon ng bata bagama't naka-isolate pa rin ito. Naka-isolate din ang kaniyang nanay," sabi ni Health Secretary Francisco Duque III. 

 Ano ang coronavirus?

Ang coronavirus ay grupo ng mga virus na nakakaapekto sa respiratory system ng tao. 

Madalas galing ito sa mga hayop.
    
Maraming uri ng coronavirus ang nagdudulot lang ng mild infections tulad ng sipon.

Gaya ng trangkaso, ang coronavirus infection ay nadadaan lang sa pahinga, pag-iingat, at pag-inom ng gamot. 

Pero meron ding mabagsik na uri na nagdudulot ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) at Middle East respiratory syndrome coronavirus (MERS-CoV).

Sa ngayon ay patuloy pang pinag-aaralan ng World Health Organization (WHO) ang 2019-nCoV.

"It is quite clear that the disease is transmitted from human to human. In fact there is thinking that it may be capable of sustaining human to human transmission," sabi ni Dr. Rabindra Abeyasinghe, country representative ng WHO sa Pilipinas. 

Magpupulong na ang WHO para pag-usapan ang magiging hakbang laban sa sakit. 

"We have to do an assessment of whether this disease poses a risk internationally, across borders and if so, whether we need to turn it into a public health emergency of international concern which would necessitate a more coordinated response across country," dagdag ni Abeyasinghe.

Pinaiigting na ng Civil Aviation Authority of the Philippines at Bureau of Quarantine ang pagbabantay sa mga dumarating na pasahero lalo na 'yung mga galing China. 

Mas malaki ang posibilidad ng pagkalat ng sakit lalo't libo-libong Chinese ang inaasahang darating at muling lalabas ng China para sa Chinese new year. 

Pero para sa DOH, hindi pa kailangang maglabas ng travel restriction. —Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.