Ilang grupo, eksperto pumalag sa panukalang pagbaba sa edad ng pananagutan

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2019 03:15 PM | Updated as of Jan 22 2019 09:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

 

Mariing tinutulan ng ilang grupo at mga kongresista ang panukalang batas na layong ibaba sa siyam na taong gulang ang minimum age of criminal liability. 

Sa pulong ng Commission on Human Rights (CHR) kasama ang ilang civil society groups nitong Martes, kinondena nila ang naturang panukala na layong ibaba sa 9 anyos mula 15 anyos ang edad ng pananagutan. 

Giit nila na "malabo" at "walang saysay" umano ang naturang panukala. 

Ayon kay CHR Commissioner Leah Tanodra-Armamento, hindi pa umano handa ang Bahay Pag-asa facilities kung saan ilalagak ang mga children in conflict with the law (CICL). 

Nasa 58 Bahay Pag-asa facilities pa lamang sa 114 kinakailangang pasilidad ang naipapatayo. 

“The present Bahay Pag-asa does not meet the standards as they don’t have enough budget,” ani Tanodra-Armamento.

Ayon kay Dr. Liane Alampay ng Philippine Psychological Association of the Philippines, mas may posibilidad umano ang maulit ang mga krimen lalo na't "vulnerable" ang mga kabataan. 

“The very acts of being detained makes it more likely that they will commit crimes pag nakalabas sila and they can relapse into criminal behavior after detention,” ayon kay Alampay. 

Nanindigan ang CHR at ang mga grupo na ang dapat na 
pagtuunan ng pansin ng gobyerno ay ang pagpapatupad ng Republic Act 9344 o Juvenile Justice Welfare Act para sa rehabilitasyon at sapat na intervention para mga sa batang lumabag sa batas. 

Kabilang sa pagpupulong ang Council for the Welfare of Children, Philippine Alliance of Human Rights Advocates, Unchain Children, Civil Society Coalition on the Convention on the Rights of the Child, Philippine Action for Youth and Offenders, United Nations Children’s Fund, Psychological Association of the Philippines and Child Rights Network. 

Nananawagan ang CHR at mga grupo na manindigan at huwag suportahan ang panukala at kung kinakailangan ay maglulunsad sila ng malawakang protestesta.

Samantala, tutol si Education Secretary Leonor Briones sa pagbaba ng age of criminal responsibility dahil hindi pa umano hinog ang pang-unawa ng mga batang 9 taong gulang. 

INALMAHAN NG ILANG KONGRESISTA

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, magdudulot umano ng trauma sa mga menor de edad ang panukala. 

"Lowering the minimum age of criminal responsibility to 9 years old would only traumatize minors and ruin their lives. Instead of becomig productive citizens guided by stable families they would be branded as ex-cons at such an early age," aniya sa pahayag. 

Sinabi naman ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago na nahahagip lagi ang mga kabataan sa mga "anti-people" na polisiya ng pamahalaan. 

"Children in the country have always been at the bitter end of every anti-people policy or campaign our government pursues. They have been victims countless of times both directly and indirectly," aniya. 

Samantala isusulong naman ni 1-PACMAN party-list Rep. Mikee Romero na gawing 12 anyos imbes na siyam ang edad ng pananagutan. 

“Twelve years old is the minimum age of criminal responsibility of some countries in Europe. Here in Asia, the range is 7 to 16 years old and that comes with a lot of calibration for discernment, puberty and Shariah law factors,” aniya. 

Watch more in iWant or TFC.tv

SENADO 'HATI' SA PANUKALA

Samantala hati ang Senado sa naturang panukala, na nakabinbin sa kanilang hanay sa ngayon. 

Ayon kay Sen. Francis Pangilinan, dapat tugunan ng gobyerno ang problema sa mga sindikato na gumagamit ng mga bata imbes na ibaba ang edad ng pananagutan. 

Gayundin ang pahayag ni Senador Grace Poe, na iginiit na hindi makakatulong ang pagpapakulong sa mga umano'y juvenile offender sa pagbabawas sa krimen dahil karamihan umano rito ay hindi kayang makakuha ng serbisyong legal. 

Pinangambahan ni Senador Bam Aquino na dahil sa isinusulong na pagbuhay sa death penalty ay maaaring mapatawan pa ng ganitong parusa ang ilang mga bata. 

Tinutulan din ni Senador Risa Hontiveros ang pagbaba ng edad ng criminal liability at iginiit na dapat maglaan ng pondo sa pagpapatupad ng RA 9344 at humingi ng tulong sa iba't ibang grupo kung kinakailangan sa pagpapaigting nito. 

Gayundin ang pahayag ng nakakulong na senador na si Leila De Lima, na iginiit na walang pag-aaral na nagpapatunay na hindi na gagamit ng mga bata ang mga sindikato sa paggawa ng mga krimen sa pagbaba ng age of criminal liability. 

Ayon sa datos ng Philipping National Police, sa 9,562 kabataang kinasasangkutan ng mga krimen, 452 lamang dito ay 11 anyos pababa. 

Iginiit ni Juvenile Justice and Welfare Council executive director Atty. Tricia Claire Oco sa pagdinig ng Senado ukol dito na bigo ang mga lokal na pamahalaan na magpatayo ng maayos na "Bahay Pag-asa" centers na magsisislbi sanang formation center ng mga kabataang nagkasala sa batas. 

Sang-ayon naman si Senador Win Gatchalian sa pagpapatupad ng naturang batas at sinabing dapat isailalim umano sa rehabilitasyon ang mga child offender sa ibang paraan bukod sa pagpapakulong. 

Bagaman sang-ayon si Senador Panfilo Lacson sa naturang pahayag, tingin niya ay masyadong mababa ang 9 anyos para ipatupad ito. 

Kailangan din daw maklaro ang edad sa pamamagitan ng mga siyentipikong pag-aaral kung ano ang katanggap-tanggap na edad para masalang sa paglilitis. 

Ganito rin ang pananaw ni Senate justice and human rights committee chairman Sen. Richard Gordon. 

Nauna nang nilinaw ni Mindoro Rep. Anthony Leachon, chair ng House justice committee, na hindi ikukulong kasama ng mga ordinaryong preso ang mga mahuhuling bata at sa halip ay ipapasok ang mga ito sa mga reformative institution gaya ng Bahay Pag-asa na pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development. -- May ulat nina Robert Mano, Adrian Ayalin, Sherrie Ann Torres, Raya Capulong, at Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.