'Gun-for-hire' patay sa engkuwentro sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2019 03:34 PM | Updated as of Jan 22 2019 08:16 PM

Napatay ang isa umanong gun-for-hire matapos makaengkuwentro ang mga pulis sa Padre Garcia, Batangas. Dennis Datu, ABS-CBN News

Napatay ang isa umanong gun-for-hire matapos makaengkuwentro ang mga pulis sa isang checkpoint sa bayan ng Padre Garcia, Batangas nitong madaling araw ng Martes.

Pinangangasiwaan ng mga pulis ang checkpoint sa may Barangay Banaba nang biglang umiwas at humarurot ang isang motorsiklong sakay ang dalawang lalaki, ayon kay Senior Superintendent Edwin Quilates, direktor ng Batangas police. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Hinabol ng mga pulis ang mga nakamotorsiklong lalaki at nauwi ito sa mga palitan ng putok ng baril, ani Quilates. 

Nasawi sa engkuwentro si Renato Ibañez Jr., isang hinihinalang gun-for-hire at miyembro ng basag-kotse gang.

Disyembre noong nakaraang taon nang simulan ng Batangas police ang intelligence workshop sa suspek, na sinasabing responsable sa ilang insidente ng pamamaril sa Batangas at Quezon.

Posible rin daw na kinukuha ng mga politiko ang serbisyo ng suspek bilang gun-for-hire.

Nakatakas naman umano ang kaniyang kasama sa direksiyon papuntang San Antonio, Quezon.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.