Mga gurong mag-aayos ng papeles, natulog sa labas ng opisina ng PRC

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2018 04:36 PM

DAVAO CITY - Sa labas na ng tanggapan ng Professional Regulation Commission natulog ang halos 200 guro mula Region XI Linggo ng gabi para masigurong maproseso ang kanilang mga kailangan sa opisina.

Ang ilan sa mga guro ay magre-renew ng lisensiya, habang ang iba naman ay gustong makakuha ng Authentication of Board Ratings para sa kanilang aplikasyon sa Department of Education.

Ang iba sa mga nakapila, noong isang linggo pa pabalik-balik sa opisina ng PRC pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nakapag-proseso ng kanilang papeles.

Sabi ng mga guro, inuuna umano ng PRC ang pag-proseso ng mga application para sa Licensure Exam for Teachers, kaya minabuti na nilang mag-lista at pumila bago pa man magbukas ang opisina ng PRC.

Ayon kay Adam Axel Abordo, isa sa mga gurong nakapila, kung hindi sila maglilista, tiyak na magkagulo at marami ang sisingit sa pila at lalo silang matatagalan sa pagproseso ng kanilang mga papeles.

"Kasi sa na-oobserbahan namin pag-hindi kami mag-initiate
na mag-linya o maglista maraming mag-iinsert sa pila. At least may listahan, 'yun na ang susundin namin kung sino 'yung mas maaga dumating siya ang mauna ma-cater, kung ma-cater man kami lahat."

Reklamo ng gurong si Jade March Hipe, mistula silang mga saling pusa at hindi mga propesyunal dahil nagtitiis silang humiga sa malamig na semento para lang maka-proseso ng papeles sa PRC.

"Medyo unfair lang sa amoa gyud kay professionals gud ta tanan diri tapos ing-ana na lang gud mang-yaka na lang me tanan diri," aniya.

(Medyo unfair ito sa amin professional tayo lahat dito tapos ganito
lang na parang kung ano lang kami naka-hinga lang kami dito.)

Nasa 100 papeles lamang umano ang kayang iproseso ng PRC bawat araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.