Sanggol na kasama sa sakuna sa Kabankalan City, pumanaw na

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2020 12:35 AM

Pumanaw na nitong Lunes ang 5-buwang-gulang na sanggol na kasama sa mga nahulog nang maputol ang kable ng hanging bridge sa Kabankalan City, Negros Occidental noong Linggo.

Ayon sa operations head ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) na si Judson Cabalatungan, sinabi ng mga magulang ng bata na may nakitang tubig sa baga nito na naging sanhi ng pagkamatay nito. Namatay ito sa ospital bandang alas-5 ng hapon.

Ayon pa sa CDRRMO, posibleng naputol ang kable ng tulay dahil sa bigat ng mga dumadaan dito.

Hindi na rin nadagdagan ang bilang ng mga naging biktima sa insidente dahil may nakaabang na rescue personnel na agad na nagbigay ng first aid sa mga biktima.

Walong tao ang nahulog sa hanging bridge ng Barangay Camugao habang nanonood ng fluvial parade na isinagawa para sa pista ni Sto. Niño.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.