Higit 300 punong ipinagbabawal putulin, nasabat sa Ilocos Norte

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2020 07:05 PM | Updated as of Jan 23 2020 07:20 AM

Higit 300 na iba't ibang klase ng punong-kahoy na walang kaukulang dokumento ang nasabat ng mga awtoridad sa bayan ng Piddig sa Ilocos Norte nitong Martes.

Galing sa bundok sa Barangay Maruaya sa bayan ang mga puno, ayon sa mga awtoridad.

Ayon kay Police Capt. Kristoffer King Ramos ng Piddig Police, “walang mga pertinent documents lalong-lalo na sa pagtra-transport" ang mga kahoy. 

“Ito ay gagamitin nila para sa construction ng building o bahay. Ito ay usually ginagamit nila para sa scaffolding,” aniya.

Ang mga kahoy na nakumpiska ay mahigpit na ipinagbabawal na putulin, ayon sa isang environment officer ng Laoag City.

“Ang mga kahoy na ito ay mga indigenous species. Isa sa mga species na nandito ay ang bulong-eta na considered as isang premium species,” ani Sotero Agno Jr., forest protection officer sa Laoag.

Umabot sa 358 ang mga nakumpiskang puno. Limang suspek naman na nagbiyahe ng mga ito ang inaresto.

Kinukumpirma pa ng mga awtoridad kung pribado ang bahagi ng bundok kung saan sinasabing pinutol ang mga puno.

Nasampahan na ng kasong paglabag sa Forestry Code of the Philippines ang mga lalaking nahuli.

Magbibigay ng pabuyang P20,000 ang lokal na pamahalaan sa makapagtuturo sa mga nagsasagawa ng illegal logging sa bayan. - Ulat ni Ria Galiste, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.