Batang galing China na nagpositibo sa coronavirus inoobserbahan

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2020 03:13 PM | Updated as of Jan 21 2020 07:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Iniimbestigahan ng Department of Health ang kaso ng isang batang galing China at nasa bansa matapos itong magpositibo sa coronavirus, sabi ngayong Martes ng kalihim ng kagawaran.

Naka-admit sa isang ospital sa Cebu City ang 5 taong gulang na batang galing Wuhan na nakararanas ng lagnat, pamamaga ng lalamunan, at ubo, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.

Ang Wuhan ay isang lungsod sa China na pinagmulan ng isang bagong uri ng coronavirus. May higit 200 nang kumpirmadong kaso nito.

Ayon kay Duque, nagnegatibo ang batang pasyente sa Middle East Respiratory Syndrome (MERS) at Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS), na ilan sa mga sakit sa ilalim ng coronavirus, pero nagpositibo sa "non-specific pancoronavirus." 

Pinadala na sa Australia ang sample ng bata para malaman kung anong klaseng virus mayroon ang bata, ani Duque.

Binabantayan din ng DOH ang 3 tao mula China na nakitaan ng mga sintomas ng trangkaso nang lumapag sila sa Kalibo International Airport sa Aklan.

Ang coronavirus ay kabilang sa isang malaking grupo ng mga virus na nagmumula sa mga hayop pero maaaring mahawahan ang mga tao.

Ilan sa mga sintomas ng coronavirus ay lagnat, ubo, at kahirapan sa paghinga. Kapag lumala, maaari rin itong magdulot ng kidney failure at ikamatay ng pasyente.

Para maiwasan ang mga sakit, pinayuhan ng mga health official ang publiko na laging maging malinis sa katawan, maghugas ng kamay, at iwasan ang unprotected contact sa mga hayop.

Ugaliin din umano ang pagtatakip ng bibig kapag umuubo at iwasan ang matataong lugar.

Watch more in iWant or TFC.tv

Mas hinigpitan naman ng Bureau of Quarantine ang screening at surveillance nito sa mga pasaherong dumarating sa bansa, lalo na iyong sa mga galing sa mga bansa apektado ng bagong coronavirus.

Kabilang sa mga bansang may kumpirmadong kaso ng 2019 novel coronavirus ang China, Japan, Thailand, at South Korea.

May protective gear din ang mga personnel ng Ninoy Aquino International Airport na nagsasagawa ng inspeksiyon sa mga dumarating na pasahero.

Sa Davao International Airport, nakaabang naman ang isolation unit ng Southern Philippines Medical Center sakaling may pasaherong makitaan ng mga sintomas.

-- Ulat nina Apples Jalandoni at Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.