5 drug suspek sa watchlist ng Pasay, arestado

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2020 07:40 AM

Arestado ang 5 drug suspek na nasa watchlist matapos masabat ang halos P300,000 halaga ng hinihinalang shabu sa magkahiwalay na buy-bust operation Martes ng madaling araw sa Pasay City. 

Nahuli ang maglive-in na sina alyas Nongnong at alyas Rosalinda matapos makuhanan ng 6.5 gramo ng hinihinalang droga na may halagang P44,000 kaninang madaling araw sa Barangay 14.

Sa imbestigasyon ng mga Pasay City Police, nakitang binebenta ni alyas Nongnong ang kanyang suplay sa isang pedibab driver. Dati na ring nahuli sa kasong droga ang dalawa. 

"Wala akong kinalaman diyan eh. Gumagamit ako pero hindi ako nagbebenta,” depensa ng lalaki.

Aminado rin sa paggamit ang kinakasama niya dahil nakakatulong ito umano sa kanyang hika. “Parang lumuluwag ‘yong paghinga ko,” aniya.

Timbog uli si alyas Marge matapos makumpiska sa kanya ang P147,000 halaga ng hinihinalang shabu kaninang madaling araw sa Barangay 201.

Depensa niya, hindi naman niya ito umano ginawa para magpariwara. “Minsan maraming labahan, maraming kailangang gawin. Hindi naman para maging pariwara pero para maging superwoman ka minsan,” aniya. 

Kasamang nahuli ni alyas Marge ang lalaking si alyas Mark ngunit itinanggi niyang may kaugnayan siya sa kapitbahay. 

Sa kasagsagan ng operasyon, nagtangka pang tumakas ng isa pang kasamahan nila na si alyas Yanyan ngunit nahuli rin uli ito ng mga pulis. 

Aminado ang suspek na nagbebenta ito ng droga dahil sa kawalan ng trabaho. "Hindi po ako nakapagtapos eh,” aniya. 

Itinatago nito sa suot na medyas ang mga droga na kanyang ibinebenta para hindi agad mapansin na may dala itong shabu.

Aabot sa P78,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakuha mula kay alyas Yanyan mula sa kanyang medyas. 

Kakasuhan ng pagbebenta ng ilegal na droga ang mga suspek. -Ulat nina Fred Cipres at Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.