TINGNAN: Mga sigarilyo isinabit sa mobile ng BJMP sa Palawan

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2019 04:10 PM

Rex Ruta, ABS-CBN News

Rex Ruta, ABS-CBN News

Rex Ruta, ABS-CBN News

PUERTO PRINCESA CITY - Nabisto ng Bureau of Jail Management and Penology ang isang paraan ng pagpapasok ng kontrabando sa loob ng pasilidad.

Sa tulong ng isang impormante, napag-alaman na sa mismong mobile ng BJMP isinasabit ang sigarilyong ipinapasok sa loob ng kulungan.

Nakumpirma ito ng mga awtoridad sa isinagawang entrapment nitong Linggo ang nasabing modus, kung saan nakitang nakasabit ang isang package na may lamang halos P150,000 halaga ng sigarilyo.

Natukoy rin ang inmate na si Roger Diaz Teodoro na siyang may alam sa pagpasok ng mga kontrabando.

May kasong murder at illegal possession of deadly weapon si Teodoro.

Napag-alaman rin na bukod sa mataas na presyo ng bawat stick ng sigarilyo sa city jail, mayroon ring binabayarang lookout sa lugar kung saan naninigarilyo ang mga inmate.

"May mga impormasyon na nanggagaling sa ating mga source, ating mga informants. Kaya nga po nung na-validate namin na mayroong papasok na kontrabando dito sa loob ng Puerto Princesa City Jail na gagamitin po yung ating BJMP van na kanilang kinargahan ng kontrabando ay agad naming isinagawa yung pag-inspection ng BJMP van," paliwanag ni Jail Chief Inspector Lino Soriano.

Haharap naman sa disciplinary action si Teodoro kung saan babawasan ang kaniyang oras ng dalaw at iba pang kaparusahan.

Natukoy na rin ang mga pangalan ng mga sangkot mula sa labas ng city jail.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.