Binatilyo, binugbog umano ng mga kaklase dahil sa babae

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2019 09:52 PM

PAOAY, Ilocos Norte - Sugatan ang isang 16 taong gulang na estudyante matapos bugbugin umano ng apat na kaklase sa bayang ito Biyernes.

Takot at hindi makapagsalita ang biktimang si alyas "Jun-jun" dahil sa sinapit. Nagtamo ito ng sugat sa mukha, ulo at tama sa ilong.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente sa likod ng palengke malapit sa kanilang paaralan.

Lilipat sana ng silid ang mga estudyante pagkatapos ng isa sa kanilang klase pero pinaniniwalaang tumakas ang mga ito at lumabas ng paaralan.

Madali umanong makalabas ang mga bata dahil walang bakod sa likod ng paaralan.

Bagama't hindi pa malinaw ang totoong ugat ng insidente, ayon sa pulisya ay babae ang pinagmulan ng away ng mga estudyante.

Ayon sa prinsipal, inaalam na nila ang totoong nangyari. Hindi pumasok ang apat na estudyanteng sangkot sa insidente ngayong Lunes.

Ang dalawa umano sa sangkot sa insidente ay may mga nauna nang kaso ng pang-aaway, habang ang isa naman ay madalas lumiliban sa klase.

Ipinag-utos na ng Department of Education Ilocos Norte Division ang pagsasagawa ng imbestigasyon at patawan ng disciplinary action ang mga nagkasala.

Iniimbestigahan na rin ng pulisya ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.