Lalaki patay, 7 iba pa sugatan sa karambola ng 2 trak, jeep sa Bacolod

Mitch Lipa, ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2020 06:21 PM

BACOLOD CITY - Isang lalaki ang patay habang 7 iba pa ang sugatan sa karambola ng 3 sasakyan Lunes ng umaga sa Barangay Mansilingan sa Bacolod City.

Sasakay sana sa pampasaherong jeep ang 62 anyos na si Diosdado Jurada nang nabangga ng isang wing van ang likuran ng kaniyang sasakyang jeep.

Nahulog mula sa jeep si Jurada na siya nitong ikinamatay.

Nabangga rin ng wing van at jeep ang nakaparadang mini dump truck.

Ayon sa drayber ng dump truck na si Boy Espinosa, nakita niyang nahulog mula sa jeep si Jurada at hindi niya inasahan na mababangga pati ang kaniyang nakaparadang sasakyan.

Pitong iba pang mga pasahero ang sugatan sa insidente. Agad silang dinala sa ospital, ayon kay Barangay Kagawad Socorro Gauzon.

Ayon sa anak ni Jurada na si Jona Ariola, magbabayad lamang sana umano ng kuryente ang kaniyang ama. Nanawagan rin siya sa drayber at may-ari ng nakaaksidenteng trak na harapin ang kanilang responsibilidad.

Sumuko naman sa pulisya ang drayber ng wing van bago magtanghali nitong Lunes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.