Failon Ngayon: Work From Home

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2019 12:14 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Marami sa ating mga kababayan ang araw-araw pumapasok sa trabaho. Tulad na lamang nina Jenn Sancho at Paula Florencio. Parehas sina Jenn at Paula na gumugugol ng walo hanggang siyam na oras sa trabaho. Pero malayong-malayo ang paraan ng pagkayod dito. Si Jenn ng Sta. Mesa, Manila, gumugugol muna ng maraming oras bago makapasok sa kanyang opisina sa Ortigas. Tinitiis na lamang niya ito dala ng pangangailangan. ’Yun nga lang, nasasakripisyo sa trabaho ang panahon para sa pamilya, lalo na sa anak na may speech delay.

Kung si Jenn, kulang ang isang araw para pagkasyahin ang lahat ng Gawain, si Paula naman na isang human resource specialist, hindi problema ang oras. Dahil ang kanyang opisina, bahay lang din niya. Minsan na nga lamang sa isang linggo kung sya’y bumisita sa opisina. Dahil sa teknolohiya, hindi na nga raw kailangang matali ang isang manggagawa sa kanyang opisina. Tumataas daw ang demand dito dahil sa sitwasyon ng mga Pilipino.

Ayon kay Atty. Aaron Pedrosa, secretary general ng labor group na Sanlakas: “Kailangan natin ng telecommuting dahil nakakatulong siya sa mga Pilipino dahil makakatulong dahil ’yung oras mo sa traffic ay magagamit mo sa ibang bagay katulad ng pag-aalaga sa anak mo or paglilinis ng bahay, at kung halimbawa nag-down ’yung Internet niya magre-rent siya sa computer shop bibili siya ng halimbawa ng coffee, makakatulong din siya at lumalaki ang ekonomiya natin.”

Kaya si Jenn, umaasa na makakatikim din ng ganitong kagaan na sistema. 

Hindi naman na mahihirapan pa ang tulad ni Jenn na mag-work from home dahil nito lamang nakaraang linggo ay isinabatas na ang RA 11165, o ang Telecommuting Act, na isang pagkilala ng estado sa bagong pamamaraan ng pagtatrabaho sa bansa.

Paliwanag dito ng author ng batas na ito na si Senator Joel Vilalnueva: “Ang telecommuting ay additional working arrangement na mas comportable ka. Pupwede kang gumamit ng mga teknolohiya, gaya ng computers internet access. Ang importante lang ay meron kayong agreement ng employer na ito ’yung working relationship, masusukat kung ilang oras ka magtatrabaho, ano ang requirement na kailangan ideliver. Ibig sabihin po, hindi pwedeng bababa sa minimum labor standard ang ipapatupad kung tayo ay involved sa telecommuting.”

Dagdag na paliwanag naman ni Atty. Benjo Santos Benavides, OIC-undersecretary ng Department of Labor and Employment: “They will be enjoying the same minimum standards and benefits every employee is entitled to. Hindi po maaapektuhan ’yung sahod po nila, ’yung leave benefits po nila under the labor code of the Philippines and existing legislation.” 

Sa ngayon, limitado lamang daw muna ito sa mga administrative at clerical work. 

Ang Telecommuting Act ang isa sa nakikitang magpapagaan ng buhay ng mangagagawa basta kasi may computer, Internet connection at smartphone ka lang sa bahay aba’y pwede ka ng hindi pumasok sa opisina. Pero pangamba ng mga may-ari ng kumpanya sa work from home na sistema, paano makasisiguro na hindi ito maaabuso ng kanilang empleyado?

Para nga sa grupong Employers Confederation Of The Philippines o ECOP, isa sa mga nakikita nilang problema sa batas ay kung paano mamomonitor ang kanilang tao at ang usad-pagong na Internet connection ng ating bansa.

Ayon kay Sergio Ortiz-Luis Jr., presidente at honorary chair ng Employers Confederation of the Philippines: “Ang problema ay napakahina ng Internet kung may Internet o kung meron man ay maya’t maya nagda-down, so pa’no mo imo-monitor ang tao mo kapag sinabi sa’yong down ’yung computer, hindi mo alam ’yung employado mo, nagbubulakbol na pala.”

Isa pang problema ay kung paano mapapangalagaan ang mga impormasyon na hawak lamang ng isang kompanya. Dagdag ni Ortiz-Luis Jr.: “ ’Yan mga ’yan even now, masyadong conscious sa security ng data nila, ngayon maraming nababalita na nakawan ng data. Normally kung nagtatrabaho sila sa opisina nakikita nila sino ang gumagamit eh kung uuwi nila ’yan, at pinakialaman ’yan.”

Sagot naman ni Senator Villanueva: “It goes both ways, may cons and pros. As of December 2018, meron nang 2,163 free hotspot area. In 2019 they are targeting 5,308 additional na area, then you have the entry of the third telco that will help implementing this law. When you engage in these activities, there is a responsibility na protected ang company ninyo and itong Data Privacy Act of 2012 importante na ang batas na ito ay tatalima din ang mga employers natin.”

Para sa People Management Association of The Philippines (PMAP) wala silang nakikitang hadlang sa implementasyon ng nasabing batas. “Sa HR mas mapapadali ang pagha-hire ng tao, dahil maraming magagaling na mga Pilipino ang nag-dadalawang-isip na pumasok sa full-time job. Ang disadvatange d’yan ay mawawala ’yung sense of community but ang magandang solusyon d’yan ay magkaroon ng chat group at video group na du’n mag-uusap usap. Hindi puwpede na kapag tatawag ka sa tao, sasabihin, ‘Sir, wait lang nasa grocery ako.’ Unprofessional ’yun, the personal life should never get into the way of professional life. Kailangan malakas na malakas ang iyong performance, management system at kung pwede makalista ’yung daily at monthly output. Dapat alam nila sino ang magpo-provide ng hardware at software na gagamitin” paliwanag ni Rene Gener, executive director ng PMAP.

Kung tanging Internet connection lamang pala ang labanan, hindi kaya madehado ang mga Pilipino sa pagpili ng mga employer ng mga banyagang trabahador mula sa ibang sulok ng mundo? Sagot dito ni Senator Villanueva: “Gusto nating makuha ang optimal advantage para s’atin. Meron tayong sinasaad sa ating constitution sa Article 12 iyung preferential hiring of workers dapat Pilipino muna hindi pwedeng unahin ang banyaga.”

Magkakaroon naman daw muna ng pilot program sa ilalim ng batas upang maplantsang maigi ang implementasyon nito.

Sa loob ng 60 araw ay inaasahang lalabas ang implementing rules ng batas. Umaasa naman sina Jenn at Paula na ito ay mapapatupad ng maayos. 

____

Abangan ang mga isyung lahat tayo may pakialam sa FAILON NGAYON tuwing Sabado pagkatapos ng I Can See Your Voice
11:00 ng gabi sa ABS-CBN! 

Mapapanood ang replay ng FAILON NGAYON sa ANC tuwing Linggo, alas 2:00 ng hapon. 

Mag-kumento at ipahayag ang inyong saloobin sa aming official Facebook pages, https://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage.
 
I-follow din ang Failon Ngayon sa aming official Twitter account sa https://www.twitter.com/Failon_Ngayon o @Failon_Ngayon at gamitin ang hashtag na #FailonNgayon.

Maaari ding mapanood ang ibang segments at episodes ng Failon Ngayon sa Youtube at iwant! Bisitahin lamang ang www.youtube.com/abscbnnews at ang www.iwant.ph