SOCO: Lalaking 'napikon' binaril ang kaibigan sa gitna ng lamay

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2020 08:19 PM

 

MAYNILA — Karumaldumal na eksena ang natunghayan ng ilang nagdadalamhati sa isang lamay sa Maynila noong Hulyo 7, 2019.

Nagulantang ang mga tao nang bigla na lang pagbabarilin ng suspek na si Jay-Ar Concepcion alyas "Ar-Ar" ang kaniyang kaibigan na si Len Mark Hermosa.

Namatay si Hermosa matapos magtamo ng mga tama ng bala sa katawan na sapul sa vital organs nito, batay sa medico-legal report ng Manila Police District (MPD).

"Tinitingnan nating motibo don ay wala sa tamang pag-iisip ang suspek. Unang-una puyat, nakainom, at 'yung galit. 'Yun siguro ang nag-trigger don, sabi ni MPD chief Lt. Col Carlo Magno Manuel.

Sa pag-arangkada ng imbestigasyon, nalaman na matagal na palang may alitan sina Concepcion at Hermosa.

Nang magkaharap daw ang dalawa sa burol, nagkapikunan daw sila habang naglalaro ng baraha, dahilan para umalis si Concepcion.

Pagbalik nito, may dala na itong baril, at doon na niratrat ang kaibigang si Hermosa.

Nasapul pa ng CCTV ang komosyon habang nangyayari ang krimen.

Dahil sa salaysay ng mga eyewitness at sa tulong ng CCTV, nagkaroon ng matibay na ebidensiya ang mga awtoridad para sampahan ng kasong murder si Concepcion.

Noong Nobyembre 19, 2019, naglabas ang korte ng warrant of arrest laban sa suspek, pero sa kasamaang-palad ay hindi na ito mahagilap.

Patuloy naman ang pagtugis ng MPD kay Concepcion para mapanagot ito sa pagpaslang sa kaibigang si Hermosa.

Mapapanood ang mga nakalipas na episode ng "SOCO: Scene of The Crime Operatives" sa iWant.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.