PANOORIN: Pamimigay ng tulong sa Taal evacuees sa Batangas, nagmistulang graduation

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2020 11:10 AM

Video mula kay Nheil Benedict Simara

BAUAN, Batangas — Nag-viral sa social media ang video ng mistula'y graduation ceremony na pamamahagi ng relief aid sa mga pamilya rito na lumikas mula sa pag-aalboroto ng Bulkang Taal. 

Kuwento ng evacuee na si Nheil Benedict Simara, kasama ang kaniyang pamilya sa mahigit 70 mag-anak mula sa Lemery, Batangas na nakisilong sa bahay ng matalik na kaibigan ng kaniyang ina sa Bauan. 

Sa halip aniya na basta lang pumila ang kinatawan ng bawat pamilya para makakuha ng relief goods, napagkatuwaan nila at ng isang pribadong grupo na patugtugin ang tradisyunal na graduation march song habang tinatawaag ang pangalan ng mga lumikas. 

"Para naman po sumaya ang mga tao, napagkatuwaan lang po. Pampa-good vibes po," ani Simara. 
 
Nakapagtala ng halos 700,000 views at 34,000 shares ang naturang video sa Facebook. 

Nitong Enero 12, nagbuga ang Taal ng abo na kumalat hanggang sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan, dahilan para lumikas ang nasa 96,000 katao at makagpatala ng nasa P3 billion na pinsala sa agrikultura, ayon sa mga awtoridad. 

Nasa ilalim pa rin ng Alert Level 4 ang bulkan, na nangangahulugang maaari itong muling sumabog sa mga susunod na oras o araw, babala ng Phivolcs. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.