Mga deboto ng Sto. Niño dumayo sa Tondo para sa mga hiling, pasasalamat

Abner Mercado, ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2020 05:03 PM | Updated as of Jan 19 2020 05:04 PM

TONDO, Maynila — Bitbit ang kani-kanilang mga imahen ng Sto. Niño o batang Hesukristo, dumagsa sa Archdiocesan Shrine of Sto. Niño dito ang mga deboto para magpabasbas, kakabit ng kanilang mga dalangin sa Panginoon.

Gaya ng mag-asawang Lao, na taon-taong nakikilahok sa kapistahan sa Tondo.

"May mga malalalim na pangyayari sa buhay na hindi ko maipaliwanag na hiningi ko sa Sto. Niño na nabigyan ng katuparan. Iyung makapagtapos ng pag-aaral 'yung aming mga anak," pagbabahagi ni Alberto Lao, deboto ng Sto. Niño de Tondo.

Panahon din ang pista para magpasalamat sa mga biyayang natanggap ang mga deboto.

May halos 400 na mga magulang naman ang nagpabinyag ng kanilang mga anak.

Ang mag-asawang Sharmaine at Eldon Martinez, pinabinyagan ang kanilang 2-buwang sanggol na si Justine Calix.

"Gusto namin lumaking mabuting tao at takot sa Diyos ang aming anak," sabi ni Eldon.

Sabi ng pamunuan ng simbahan, sadyang dagsa ang mga nagpapabinyag tuwing pista ng Sto. Niño de Tondo.

"Iyun kasing simbolo ng batang Hesus na siyang huwaran na nais ng mga magulang na siya din ang pamaraisan ng kanilang mga anak," ani Fr. Lito Villegas, rector ng Archdiocesan Shrine of Sto. Niño.

Matiyaga ring pumipila ang mga deboto para sa pahalik sa imahen ng Sto. Niño na nakalagak sa simbahan.

Ang pista ng Sto. Niño sa Tondo ay mula Enero 17 hanggang 19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.