Lalaki patay sa banggaan ng motorsiklo, tricycle sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2020 12:53 PM

Matapos mag-overtake, nabangga ng isang motorsiklo ang kasalubong nitong tricycle, na ikinasawi ng rider, sa bayan ng San Miguel, Iloilo. Retrato mula sa San Miguel Emergency Response Team

Patay ang isang lalaki matapos sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang tricycle sa bayan ng San Miguel, Iloilo noong madaling araw ng Sabado.

Nabangga ang motorsiklong minamaneho ni Sammy Camigue, 39, ang kasalubong na tricycle matapos niyang overtake-an ang isang pampasaherong jeep sa may Barangay San Jose bandang alas-4 ng madaling araw, ayon sa San Miguel police.

Dinala sa ospital si Camigue pero dineklara ring dead on arrival.

Nasugatan naman ang driver at pasahero ng tricycle, na parehong dinala sa ospital sa Iloilo City.

Nakaareglo na ng pamilya ni Camigue ang driver ng tricycle kaya wala nang kasong isasampa rito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.