29 Chinese, arestado sa raid sa pabrika ng pekeng sigarilyo sa Nueva Ecija

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2020 08:08 PM

Isang pagawaan ng pekeng sigarilyo ang sinalakay ng mga awtoridad sa Cabiao, Nueva Ecija. Photo courtesy of Cabiao, Nueva Ecija Police.

CABIAO, Nueva Ecija - Sinalakay ng mga awtoridad ang isang pagawaan ng pekeng sigarilyo sa Barangay Sinipit, Cabiao, Nueva Ecija Sabado ng umaga.

Sa loob ng warehouse, tumambad sa kanila ang mga makinang ginagamit sa paggawa ng sigarilyo.

Nahuli rin ang 29 undocumented Chinese workers habang pinalaya naman ang nasa 124 Pilipinong nagtatrabaho sa warehouse.

Ayon sa Bureau of Customs, nagkaroon muna ng surveillance at imbestigasyon sa warehouse bago ang isininagawang raid. Nakatanggap rin umano ng reklamo mula sa mga residenteng nakatira sa paligid ng warehouse.

Umabot nang higit P1 bilyon ang halaga ng mga pekeng sigarilyo at 13 makinang nasa warehouse.

Iimbestigahan ngayon ng pulisya at BOC kung papaano nakapag-operate ang may-ari ng pagawaan sa warehouse na pagmamay-ari ng Department of Science and Technology (DOST).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.