11 Chinese nasagip, bugaw timbog sa 'prostitution house' sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2020 03:23 PM

MAYNILA — Sinalakay ng mga awtoridad nitong Linggo ang ilang unit sa isang hotel sa Parañaque City na ginagamit umanong prostitution house para sa mga babaeng Chinese.

Nasagip ng mga pulis ang 11 babaeng Chinese habang inaresto naman ang lalaking Chinese na nagbubugaw umano sa kanila.

Nag-ugat ang operasyon sa sumbong ng isang impormante na may nangyayaring prostitusyon sa mga unit sa 5th floor at 8th floor ng isang hotel na kilalang tinitirahan ng maraming Tsino sa Metro Manila.

Nang beripikahin, kumagat ang suspect sa asset ng pulisya na nagpanggap na kostumer at doon na nila itinuloy ang entrapment.

Sinasabing P5,000 hanggang P15,000 ang alok ng mga babae kapalit ng pagtatalik.

Kulong na ang suspek, habang itinurnover naman sa Department of Social Welfare and Development ang mga babae para sa debriefing at counselling.

 —Ulat ni Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.