1 linggo matapos ang Taal eruption: Ilang evacuation centers dumadaing na

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2020 06:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

BAUAN, Batangas — Dumadaing na ang ilang evacuation centers dahil isang linggo na mula nang mag-alboroto ang bulkang Taal at hindi nila alam kung hanggang kailan nila makakalinga ang libo-libong taong lumikas.

Sa bayan ng San Luis, inamin ni Vice Mayor Orscalito Hernandez na hindi nila tiyak kung hanggang kailan nila kayang kupkupin ang halos 14,000 evacuee.

Bagaman may mga dumadating na mga donasyon, nangangamba pa rin umano ang local government ng San Luis kung ano ang mangyayari kapag tumagal pa ang situwasyon dahil pati ang sarili nilang mga residente ay kailangan din ng tulong.

"Napakahirap sa isang tulad ng aming bayang 4th class municipality na mag-cater ng ganito karaming evacuees," ani Hernandez sa panayam ng ABS-CBN News.

"Hindi po namin kayang pakainin lahat ng evacuees na nandito sa'min," dagdag niya.

Sa pag-alboroto ng bulkang Taal, apektado rin ang hanapbuhay ng mga taga-San Luis, gaya ng mga mangingisda na 6 na araw nang walang mahuli dahil sa kapal ng abo na bumagsak sa dagat.

"Sana naman 'yong mga tagarito, mabigyan ng kaunting tulog," anang mangingisda na si Joelito Devilla.

Samantala, sa karatig-bayan naman ng Bauan, dumating ang donasyon mula sa lokal na pamahalaan ng Makati City, na pinangunahan ng dating alkalde ng lungsod at dating vice president na si Jejomar Binay.

Naniniwala umano si Binay na maaasahan ng tulong ang iba't ibang grupo habang hindi pa malinaw kung ano ang plano para sa mga evacuee.

"Hindi naman basta titigil ang pagsuporta ng private sector," aniya.

Hindi lang sa Bauan magbibigay ng tulong ang mga volunteer ng Makati. Mag-iikot-ikot pa raw sila sa ibang bayan hanggang kailan daw sila kakailanganin.

Sa huling ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), hindi pa rin nila inaalis sa Alert Level 4 ang Bulkang Taal sa kabila ng pananahimik ng nito sa mga nakaraang araw.

Nananatiling steady ang volcanic activity ng Taal sa nakalipas na magdamag, ayon kay Maria Antonia Bornas, chief ng Phivolcs volcano monitoring and eruption prediction division.

Mas kauti at mahihina na lang ang kanilang naitatalang mga lindol pero posible pa rin daw ang mapanganib na pagsabog.

Mahigpit pa ring inirerekomenda ng Phivolcs ang total evacuation sa 14-kilometer radius danger zone.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.