Mga motorista sinalubong ng traffic sa pagsasara ng Estrella-Pantaleon bridge

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2019 05:08 PM


Hanggang nitong Biyernes ng gabi, ang biyahe mula sa Makati at Mandaluyong ay isang ruta na magaan para sa mga motorista. 

Hindi kasi kailangan makipagsapalaran sa sikip ng EDSA dahil sa Estrella-Pantaleon bridge, at sa 10 hanggang 15 minuto lang ay nakatatawid na sa dalawang siyudad. 

Ngunit pagsapit ng umaga ng Sabado, isinara na ang tulay at umikot na ang lahat ng sasakyan sa mga alternatibong ruta.

At di gaya ng dati, mabigat na daloy ng trapiko ang sumalubong sa halos lahat ng alternate routes na ipinalabas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon sa isang traffic enforcer na nakadestino sa J.P. Rizal na isa sa itinalagang alternatibong ruta ng Makati, hindi normal ang daloy ng trapiko sa naturang lugar 'pag weekend. 

Pero sa Lunes pa talaga magkakaalaman kung gaano kabigat ang epekto ng closure ng tulay sa traffic lalo pagsabak ng rush hour.

Isinara ang tulay na kilala rin bilang Rockwell bridge para gumawa ng bago. Tinatayang aabutin ng 2021 bago matapos ang proyekto. 

Sa pagtataya, madaragdagan ng isa hanggang isa't kalahating oras ang itatagal ng biyahe kumpara sa dati.

"Talagang volume na po [ang dahilan] kasi epekto nitong pag-close ng Estrella-Pantaleon bridge pero ginagawan na po namin ng paraan. Kino-coordinate namin sa taas para mabawasan dito sa JP Rizal," ani Arnel Bernarte, assistant team leader ng Makati Public Safety Department.

Ang ganitong sitwasyon, magtatagal pa ng 30 buwan, ayon sa pagtataya ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Gigibain kasi ang buong tulay at magtatayo ng panibago. May mga informal settler din na kakailanganing palipatin ng tirahan. 

"We'll do our best to make it faster... Ang aming estimate, 8 hours working lang 'yun pero kung papayagan kaming more than that, I think we can lessen the contract time [na 30 months]," ani Virgilio Castillo, ang siyang mangangasiwa sa proyekto. 

Nagkakahalaga ang proyekto ng P1.47 bilyon. Sa plano, may haba itong 506 meters. 

Mula sa dalawang lane ngayon, magiging apat na lane na ito at magkakaroon din ng sidewalk para sa pedestrians. 

"The bridge was built to accommodate the local traffic before. Ang dumadaan at gumagamit diyan ay 25,000 [sasakyan kada araw] so 'yung level of service ng tulay ay sobra na. Sa ngayon kasi 35,000 na. Exposed na exposed ang tulay sa stress. Kung mayroong high intensity earthquake na parating, 'yung big one, so in preparation [for] that, we need to strengthen the bridge," depensa ni Castillo. 

Ang consultant at contractor ay mga kompanyang mula sa China. Chinese at Filipino skilled workers din ang magtutulungan para sa proyekto. 

-Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.