Panukalang batas para sa Cordillera autonomy, isinusulong sa Senado

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2018 06:12 PM | Updated as of Jan 19 2018 06:27 PM

Photo by Jun Leprozo. File

Isinusulong na sa Senado ang panukalang gawing isang autonomous region ang Cordillera matapos kausapin ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza si Senador Juan Miguel Zubiri upang magsilbing sponsor nito.

"I am honored to author the Autonomous Region of Cordillera bill,” sabi ni Zubiri sa isang press release na inilabas ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process.

Pareho ang lalamanin nito sa ipinasang House Bill No. 5343 na tinatawag na "An Act to Establish the Autonomous Region of Cordillera" na isinusulong ngayon sa kamara. 

Naniniwala ang mga mambabatas na mas mapapabilis ang pagkamit sa awtonomiya kung pagsasabaying ipasa ang mga panukala sa Kongreso at Senado.

Sa ngayon, isang administrative region ang Cordillera. 

Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na posible pa ring makamit ang awtonomiya sa Cordillera kahit pa isinusulong ang pederalismo.

"Wala pong incompatibility sa ninanais ni Presidente [Rodrigo Duterte] magkaroon ng pederalismo sa hinihinging awtonomiya ng Cordillera. 'Yan din naman po ang hinihingi ng ating mga kapatid na Muslim. So sa atin po, inherently, philosophically, politically, wala pong pinagkaiba ang ninanais... ng Pangulo na magkaroon ng tunay na awtonomiya ang mga lokal na pamahalaan,” ani Roque.

Sa susunod na linggo, nakatakdang magkaroon ng pagpupulong ang mga nagsusulong ng Bangsamoro Basic Law o BBL at ng batas na gawing autonomous region ang Cordillera para isaayos ang kanilang timetable.

Target nilang maipasa ang mga bagong panukala sa Marso.