Retirement pension ng namayapang pulis di mailipat sa misis

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2020 08:11 PM | Updated as of Jan 18 2020 08:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Araw-araw ipinagdarasal ni Wennie Falayas sa namayapang asawa na maayos na ang problema niya sa retirement benefit service ng Philippine National Police (PNP).

Matapos pumanaw ang mister na pulis noong 2018, agad inasikaso ni Falayas ang mga papeles para mailipat sa kaniya ang pensiyon ng yumaong asawa.

Ngunit tila hindi pa rin umusad ang mga papeles.

"Siyempre naghintay ako, ang sabi sa'kin 2 months, magbalik na 'yong papers na-approve," ani Falayas.

Dahil hindi siya sinasagot, lumuwas mula Koronadal City papuntang Maynila si Falayas para i-follow up ang pensiyon sa Camp Crame, ang tanggapan ng PNP.

Pero wala pa ring nangyari kaya todo-text ulit si Falayas para mag-follow up pagbalik niyang Mindanao.

Sinubukan ng ABS-CBN General Santos na i-follow up ang problema ni Falayas pero dapat daw sa Crame magtanong.

Nang idulog sa PNP retirement and benefits administration service (RBS) ang kaso, natuklasang may problema sa petsa ng kapanganakan ang mister ni Falayas.

"Kailangan niya baguhin ang record ng kaniyang asawa dito sa kapulisan, buong record 'yon, or ipa-annotate 'yong kaniyang [Philippine Statistics Authority] documents," ani Lt. Col. Grace de Castro, hepe ng PNP-RBS.

Kapag naipasa na ito, buwan pa rin ang hihintayin bago maproseso ang pensiyon ni Falayas.

Bunsod nito, may paalala naman si De Castro sa mga kawani ng PNP: "Kahit active pa tayo, check ang ating records, i-correct na kung ano ang mali." — Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.