Payo sa magta-Tagaytay: Mag-protective mask, humandang lumikas

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2020 04:48 PM | Updated as of Jan 18 2020 06:56 PM

Huminto para mag-selfie kasama ang Taal Volcano ang ilang mga dumadaan sa highway sa Tagaytay City noong Biyernes, Enero 17, 2020. Fernando Sepe, ABS-CBN News

Pinayuhan ng mga lokal na disaster official ang mga nagbabalak bumisita ng Tagyatay City na magdala ng protective mask at maging handa sakaling kailanganing lumikas.

Hindi pa rin kasi nawawala ang mga bantang dala ng pag-alboroto ng bulkang Taal, gaya ng posibilidad ng malakas na pagsabog.

Dahil hindi naman naka-lockdown ang lungsod, sinabihan na lang ni Clyde Yayong, hepe ng Tagaytay City disaster risk reduction management office, ang mga turista na maging maingat at handa.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kung hikain, ipinayo ni Yayong na huwag na lang munang pumunta ng Tagaytay, lalo at tuloy ang paglilinis ng mga residente sa mga kalsadang nabalot ng abo mula sa bulkan.

Nitong mga nakaraang araw, may ilan nang namasyal sa lungsod para mag-selfie kasama ang Taal.

Nag-umpisa na rin ang pagbubukas ng mga establisimyento. Sa kasalukuyan, 4 na hotel, 25 na restoran, 2 mall at isang parke na ang bukas.

Marami na rin ang kumakain sa mga sikat na bulaluhan.

Sa ngayon, 70 porsiyento na ng Tagaytay ang may kuryente, ayon kay Yayong.

Nauna nang magsara ang mga tourist spot sa Tagaytay dahil sa pag-alboroto ng kalapit na bulkang Taal simula noong Linggo.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.