Gusali tinupok ng apoy sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2020 10:45 AM

Nahirapan ang mga bombero na apulahin ang apoy lalo na't nakasara ang mga roll-up door ng mga tindahan. RJ Rosalado, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY - Isang commercial establishment ang natupok ng apoy sa Barangay Cabaluay, Sabado ng madaling araw.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog pasado alas-3 ng madaling araw.

Malaki at kumalat na ang apoy sa buong gusali nang dumating ang unang fire truck sa lugar.

Nahirapan ang mga bombero na agad apulain ang sunog dahil karamihan sa mga tindahan ay sarado at nakakandado pa ang mga roll-up door.

Nagdesisyon ang mga bombero na sirain na lang ang mga kandado pero nahirapan pa rin silang buksan ang mga ito.

Tumulong na rin ang ilang residente na buksan ang mga roll-up door ng mga tindahan.

Ayon kay Marvin Angares, nagtatrabaho sa isang bakery, nakita umano nila na sa katabing tindahan ng ukay-ukay nagsimula ang apoy.

Pero wala na rin silang nagawa dahil mabilis lumaki ang apoy.

Wala namang nasaktan sa sunog, pero wala halos naisalba sa mga naapektuhang tindahan.

Nadamay pati ang mga ibinebentang motorsiklo sa isang motorcycle store.

Umabot ng halos dalawang oras ang sunog bago nagdeklara ng fire out ang mga bombero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.