'Halos patayin ako': Lalaking sumita sa nagtorotot noong Traslacion ginulpi

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2019 07:25 PM | Updated as of Jan 25 2019 09:35 PM

Dumulog sa Manila Police District (MPD) General Assignment and Investigation Section ang isang lalaking bugbog-sarado sa 12 tao noong Traslacion.

Kuwento ng biktimang si Mark Mañalac, ginulpi siya ng grupong Spartan matapos niyang sawayin ang isang miyembro nito na nagtotorotot dahil nakabubulabog daw ito sa mga nagdarasal noong Traslacion.

Sa kuhang video ng isang concerned citizen sa Traslacion noong Enero 9, maririnig ang biglang pagpapatunog ng torotot ng isa sa mga kasapi ng grupong Spartan.

Matapos ang paninita ni Mañalac, kinuyog na daw siya ng grupong Spartan. Pinagsasapak at tinadyakan daw siya hanggang sa tumumba.

Sa video, maririnig pa ang sigaw ng ilang deboto na umaawat.

Kahit isang linggo na ang nakalipas, may black eye at hindi mabuksan ni Mañalac ang kaniyang kaliwang mata. Napunit rin ang bahagi ng kaniyang kanang tenga.

"Sobra ang ginawa sa akin, halos patayin ako. Nawalan ako ng malay. Sinita ko lang 'yung torotot," hinaing ng biktima.

Hindi pumayag na makipag-areglo si Mañalac kaya't nitong Biyernes ay itinuloy na niya ang pagsasampa ng reklamo laban sa grupo.

Kabilang umano sa nanggulpi si Kagawad Vicente Inubaya, ang lider ng Spartan group.

Sa isang text message ni Inubaya, itinatanggi nito ang akusasyon ng biktima.

Iniimbestigahan na ng MPD ang kaso at kinikilala na rin ang mga lalaking nakuhanan sa video na nanakit kay Mañalac.

—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.