2 magnanakaw umano ng motorsiklo, patay sa engkuwentro sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2019 05:11 AM

MAYNILA—Patay ang 2 hinihinalang magnanakaw ng motorsiklo matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa Barangay Vasra, Quezon City Huwebes ng gabi.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga suspek. Nakuha sa kanila ang isang kalibre .45 na baril, kalibre .357 na baril, at 3 motorsiklo.

Ayon kay Senior Supt. Enrico Vargas, chief directorial staff ng Quezon City Police District (QCPD), nagpaputok umano ang mga suspek nang mahalata na pulis ang kanilang katransaksiyon. 

Bibilhin sana ng poseur-buyer sa halagang P15,000 sa mga suspek ang isang umano'y nakaw na motorsiklo.

Positibo namang kinilala ng isang biktima ang narekober na motorsiklo. Aniya, hinoldap siya noong Martes, Enero 15, sa may Broadway Centrum.

Narekober din sa inuupahang bahay ng mga suspek ang ilang sachet ng hinihinalang shabu.

Hinala ni Vargas, posibleng sangkot din sa pagtutulak ang mga suspek maliban sa panghoholdap.

Iimbestigahan din ng pulisya ang mga posibleng kasabwat ng mga suspek. — Ulat ni Anjo Bagoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.