2 pulis kulong matapos matakasan ng preso sa Bacolod

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2020 09:00 PM

BACOLOD CITY- Dalawang pulis ang ikinulong ng mga awtoridad matapos sila matakasan ng isang preso sa loob mismo ng detention cell sa Police Station 9 dito sa lungsod Biyernes.

Kinilala ang mga natakasan na pulis na sina Police Staff Sgts. Jose Miguel Rogacion at Patrick Daniel Oro.

Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, si Rogacion ang on-duty jailer habang desk officer naman si Oro ng makatakas ang 29 anyos na si Gabriel Libo-on, na nahuli sa isang buy-bust operation sa Barangay Sum-ag noong nakaraang linggo.

Ayon kay station commander Police Lt. Jonito Pastrana, isang barbecue stick ang ginamit ni Libo-on para mabuksan ang padlock ng detention cell.

Dumaan umano sa likod ng police station at tumakas si Libo-on habang walang nakabantay na pulis.

Tinutugis na siya ng mga awtoridad.

Nakatakda namang kasuhan sina Rogacion at Oro ng criminal at administrative charges sa paglabag ng Article 224 ng Revised Penal Code o evasion thru negligence.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.