Milyong halaga ng drogang itinago sa mga de-lata, maleta nasamsam

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2019 06:47 PM | Updated as of Jan 17 2019 09:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Aabot sa daan-milyong pisong halaga ng droga mula United States ang nasamsam ng mga awtoridad sa Clark International Airport, sabi ngayong Huwebes ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino.

Nauna nang natuklasan ng PDEA ang mga drogang isinilid sa lalagyan ng mga de-lata matapos tumagas ang tomato sauce mula sa isang shipment na galing Las Vegas, Nevada noong Disyembre 28.

Simula noon hanggang Enero 14, na-monitor ng PDEA ang pagdating ng ilan pang shipment na naglalaman ng canned goods o mga de-latang produkto at maletang may mga damit. Pero nang idaan umano sa X-ray, natuklasan kilo-kilong droga ang laman.

Sa kabuuan, nasa 19 kilo ng shabu, 200 piraso ng ecstasy at tatlong kilo ng kush o high-grade marijuana ang nakumpiska, na may kabuuang halaga na higit P160 milyon.

Sa isinagawang controlled-delivery operation ng PDEA noong Miyerkoles, naaresto sa Navotas City ang isang babae at nanay niya, ilan sa mga consignee sa mga shipment, matapos nilang tanggapin ang package na may lamang shabu.

Nabatid ng mga awtoridad na may mga nakatakdang consignees din sa Quezon City, Navotas, at San Jose Del Monte sa Bulacan.

Sangkot daw sa pagpapadala ng droga ang ilang sindikato, ani Aquino.

Nanawagan din ang PDEA sa US na maghigpit sa pag-monitor ng mga pinapadalang package kahit palabas ng kanilang bansa.

Ayon namans a BOC, nagdagdag na rin sila ng mga X-ray machine at tauhan sa lahat ng ports of entry sa bansa.

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.