Barangay chairman inireklamo sa tangkang panghahalik

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2019 09:22 AM | Updated as of Jan 17 2019 09:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MARCOS, Ilocos Norte - Nahaharap sa imbestigasyon ang isang punong barangay sa bayan na ito matapos umanong pagtangkaang halikan ang bokalista ng isang banda. 

Kuwento ng singer na si Frances Lorenzo, kumakanta siya sa isang lamay nitong Linggo nang bigla siyang lapitan, akbayan at subukang halikan ni Barangay Escoda chairman Wilfredo Limin na nakainom umano.

Makikita sa isang cellphone video na nakaiwas si Lorenzo. 

"Nabigla ako kaya ‘yung kamay niya hinawakan ko tapos tinadyakan ko," aniya. 

Inawat naman ng dalawang residente si Limin. 

Iginiit ng barangay official na humanga lamang siya sa galing ng bokalista at nilapitan lamang niya ito para bulungan ng hiling niyang kantahin nito. 

"Alam ko naman ‘yung ginagawa ko at hindi ko naman intensiyong halikan," sabi niya. 

Gayunman, desidido si Lorenzo na kasuhan ang opisyal ng acts of lasciviousness. 

Ipapatawag din ng provincial government si Limin at pagpapaliwanagin ukol sa insidente, ani Marcos Mayor Rofel Pambid. 

Posible ring maharap sa kasong administratibo ang barangay chairman. Mahaharap siya sa suspensyon o tatanggalin sa puwesto sakaling mapatunayang may paglabag. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.