2 timbog dahil sa 'smuggled' na mga damit sa ukay-ukay

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2019 08:59 PM

Dalawa ang inaresto ng pinagsamang mga puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Customs (BOC) dahil sa pagbebenta umano ng smuggled na ukay-ukay items sa Bulacan.

Ayon sa Customs, inatasan na nila noon ang kompanyang Eco Auction & Waste Disposal Service na sirain ang itinuturing na mga smuggled na damit dahil hindi ito dumaan sa tamang proseso ng shipping.

Pero imbes na sundin ang mga awtoridad, ibinenta pa raw ito ng kompanya sa halagang P3,000 kada kahon.

Sumatotal, nasa 130 kahon ng ukay-ukay items ang nasamsam ng NBI at Customs, kabilang ang mga package na donasyon pala sana sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

"Sila mismo ang nagse-segregate. Pinipili nila tapos nire-repack tapos binebenta nila," ani Kristine dela Cruz, executive officer ng NBI Special Action Unit.

Ayon sa Customs, wala silang ibinigay na awtoridad sa kompanya na ipamigay ang mga donasyon.

Bukod kasi sa kulang ang papeles nito, posibleng may dala itong mikrobyo kaya nakatakdang sirain lahat ito ng BOC.
    
Kinasuhan ang manager ng Eco Auction & Waste Disposal Service at ang isa niyang empleyado dahil sa paglabag sa Republic Act 4653 na sumasaklaw sa importation ng mga damit, kung saan posible silang makulong nang limang taon.   

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.